Menu

Pilipino Tayo

Mabuhay!

Liwanag sa Takip Silim

Sabi nga nila kalabaw lang ang tumatanda. Bagkus malayo sa pagtanda ang taong may positibong pananaw sa buhay.  Ayaw man nating isipin subalit ang  pagtanda at paglipas ng panahon ay dumarating sa bawat isa. May oras ang pasikat at paglubog ng araw gaya rin sa buhay ng isang nilalang. Mahabang paglalakbay ang ating tinatahak mula sa ating pagkabata  hanggang pagsapit ng takip silim. Ang bukang liwayway ay sagisag ng ating makulay na kabataan. Sa pagdating ng takip silim marami tayong alaalang babalikan, mga makulay at makasaysayang pahina na aklat ng ating buhay. Minsan masarap, minsan mahirap, minsan matamis at minsan naman mapait. Lahat na yata napagdaanan na natin. Pero ano kaya ang buhay na naghihintay sa ating takip silim?

Sadyang may takot, may mga alalahanin at maraming walang katiyakang sagot. Nasa atin na yang kung paano natin paghahandaan ang ating pagtanda. Sa ngalan ng pagibig ay walang bata at matanda, hindi nakakadama ng katandaan ang taong mapagmahal. Ang puso niya ay puno ng busilak at ang mga mata niya ay nababalot ng mga ngiti ng isang bata. 

Sabi nga ni Inay hindi habang panahon ay malakas tayo at bata, kaya matutong mag tipid at magimpok para sa ating katandaan. Tama iyon ngunit hindi lamang sa pagiipon ang dapat nating pagisipan, matuto rin tayong magalaga ng ating sarili at kalusugan. Ang masamang bisyo gaya ng paninigarilyo at pagiinom ay humuhugot sa ating maagang takip silim. Madaling mawala ang ningning ng ating anyo dahil sa mga masamang bisyo na kadalasan ay nauuwi sa maagang pagtanda o pagdanas ng karamdamang walang lunas.

Mapalad tayo sa ating lupang sinilangan sapagkat malaki ang ating pagbibigay kahalagahan sa mga nakakatanda. Ginagalang sila sa ating lipunan at hindi basta-basta pinababayaan. Malaki ang pagkakaiba ng ating pagaaruga sa kanila kumpara sa ibang bansa. Mahalaga sa lahat ang respeto sa ating mga magulang at nakakatanda. 

Nakita ko kung paano namumuhay ang mga matandang inilagak ng kanilang mga anak sa “Nursing Homes” o kaya ang iba naman ay namumuhay ng sarili at dinadalaw na lang sila ng mga anak nila.

Nakakalungkot isipin na maraming lolo at lola ang ulila sa pagmamahal ng kanilang sariling dugo, mga anak at apo na may kanya-kanyang buhay na walang panahon na dalawin man lamang ang nagdadalamhating ina o ama nila.

Ibat-ibang kuwento ng mga lolo at lola ang aking naranasan noong mga panahong ako ay nagtatrabaho bilang tagapagalaga ng mga matatanda sa Italy at pati na rin dito sa UK. Mapalad tayong mga Pilipino sa ating kulturang kinalakihan at kinasanayan dahil taglay natin ang liwanag ng pagmamahal na magbibigay lakas sa kanilang paglalakbay patungo sa takip silim.

Huwag tayong matakot at ating isipin na ang pagtanda ay isa sa pinakamagandang kabanata ng buhay ng isang tao. Sa kabila ng takip-silim, may liwanang na naghihintay sa bawat nilalang. Ang pagpapatawad, pagpapakumbaba, pagmamahal, pagmamalasakit ay ilan lamang sa mga sinag ng liwanag na sasalubong sa ating pagtanda.  Mapalad tayo sapagkat sa ating lupang katutubong sinilangan makikita ang magandang paglubong ng araw.        

Go Back

Comment